"SENTI"
ni Randolph Co
CHAPTER 1.5: "MULA SA MGA PAHINA NG ALA-ALA NI ROB: "USAGI TSUKINO" "
Nakaupo siya sa sahig ng sala.
Nakaharap sa TV. Nakatuon ang mga mata sa pinapanood na cartoons.
Hawak-hawak ang isang plastic ng “Chippy” sa kaliwang kamay habang
awtomatikong ipinansusubo ang kanan. Dakot. Subo. Nguya. Dakot. Subo.
Nguya. Paulit-ulit.
Sabado noon, wala siyang pasok sa
eskwelahan. Kakatapos lang niyang maligo. Hindi siya pinapayagang
lumabas ng mommy niya. Tirik na tirik kasi ang araw.
“Robeeerrttt...”
Bumukas ang pinto. Pumasok ang
isang batang babaeng nakadamit pambahay. Pinsan niya. May kung anong
hawak ito sa magkabilang kamay. Tumabi kay Robert ang bata.
“Jing-jing, san ka galing?” patuloy pa din sa pagkain ng Chippy si Rob.
“Dun sa labas.”
“Gusto mo?” alok ni Robert sabay abot ng Chippy. Kaagad dumakot ng Chippy si Jing-Jing.
“Ano yang dala mo?” mausisang tanong ni Rob.
“Binili ko kay Aling Inday. Paper Dolls.” Ngumisi si Jing-Jing.
Huminto si Rob sa pagkain ng Chippy
at tiningnan ang paper dolls na hawak ng pinsan. Nakaplastic pa ito at
naka-attach sa parang straw na puno ng mga maliliit na kending iba’t iba
ang kulay.
“Laro tayo!” masayang sabi ni Jing-Jing kay Rob.
Hindi siya kaagad sumagot. Inilapit niya ang bibig sa tenga ni Jing-Jing.
“Sabi ni mommy, wag daw akong
maglalaro niyan kasi pang girl yan. Baka magalit si mommy kapag nakita
ako.” Halos pabulong niyang sabi sa pinsan.
“Ganun ba? Wala kasi akong kalaro, eh.”
“Hmmm... kung gusto mo, doon na lang tayo sa kwarto. Pero wag matagal, ha.”
“SigEeee....” masayang sabi ni Jing-Jing. Binitbit niya ang mga laruan at sumunod kay Rob.
Pagkapasok sa kwarto, isinara ni
Rob ang pinto. Pasalampak na umupo sa sahig ang dalawa. Sinimulang
tanggalin ni Jing-Jing ang mga plastic ng paper dolls. Tinanggal niya
ang mga naka-attach na kendi at nilagay sa isang tabi.
“O, ako magtatanggal sa papel, ha!” sabi ni Rob
“Teka, dalawa naman to, eh. Tag-isa tayo.” Inabot ni Jing-Jing kay rob ang isang paper doll.
“Ay, si Sailor Moon! Diba meron ka na nito?”
“Nawala nga, eh. Ninakaw ng kaklase ko.” Sagot ni Jing-Jing habang patuloy sa pagkalas ng paper doll.
Masayang naglaro ang dalawa. Hagikgikan at tawanan. Hindi nila namalayan ang oras.
“O ayan, papasok na siya sa office. Magpapalit na siya ng damit.” Sabi ni Rob habang hawak ang paper doll sa magkabilang kamay.
“Wag yan, pansimba niya yan, eh.”
“O sige, eto na lang.” Kumuha siya ng ibang damit at binihisan ang paper doll.
“BLAG!”
Bumukas ang pinto. Nakatayo ang mommy niya. Hawak sa kanang kamay ang mga susi. Nakatingin sa kanilang dalawa.
“ROBERT!!!”
Hindi siya makapag-react agad. Gulat na gulat siya.
“Si... si... Jing-Jing... Pinapanood ko lang po maglaro....”
Kinagabihan. Patagilid siyang natulog. Hindi siya makatihaya.
Masakit pa rin ang pwet niya na binusog ng mommy niya sa palo.
--- may karugtong....
No comments:
Post a Comment